Sa Aming Mga Mahal na Magulang,
Isang mapagpalang araw!
Ang atin pong lungsod ay humaharap sa isang pandemya dulot ng Covid-19. Sa kabila ng ganitong kalagayan, ay hindi po natin dapat isantabi ang kahalagahan ng edukasyon. Kaugnay po nito, ang SDO Malabon City ay nagsagawa ng mga paghahanda upang mabigyan nang sapat na proteksyon ang mga mag-aaral at unahin ang kanilang kapakanan.
Marami pong pagbabagong gagawin upang matiyak na mananatiling ligtas at malusog ang inyong mga anak. Nguni’t isang bagay po ang tiyak at iyon ay ang pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga bata sa loob ng bawat tahanan. Sa Agosto 24 ay pormal nang magbubukas ang klase sa lahat ng antas sa ating Sangay. Ang enrolment o pagpapatala po ay nakatakda sa Hunyo 1-30. Ito po ay sa pamamagitan ng pagtawag sa Gurong Tagapayo noong nakaraang taon, Tele-Tindahan, On-Line Enrolment (kasama na ang mga katanungan ukol sa enrolment) at iba pang pamamaraan na hindi kinakailangang pumunta pa nang personal sa mga paaralan upang makapag-enrol.
Habang may banta ng Covid-19, hindi po magkakaroon ng Face to Face Learning sa ating lungsod. Ang pag-aaral naman po ay gagawin mismo sa loob ng inyong mga tahanan upang hindi na kailangang lumabas pa ng bahay ang mga mag-aaral. Ang Kagawaran ng Edukasyon ay may inihandang Learning Continuity Plan at Distance Learning Modality bilang Alternative Delivery Mode na binubuo ng iba’t ibang kagamitan tulad ng LIBRENG Modyul, Activity Sheets, aklat at iba pa na kanilang babasahin at sasagutan ayon sa kanilang kakayahan habang ginagabayan ng mga guro at ng iba pang namamahala sa paaralan gamit ang Most Essential Learning Competencies/(MELC’s) s. Ang MELC’s ay masusing inihanda ng Kagawaran ng Edukasyon at ito po ay naglalaman ng pinakamahahalagang kasanayan na dapat matutuhan ng mga mag-aaral sa bawat asignatura ayon sa kanilang lebel.
Sa ilalim po ng Alternative Delivery Mode, HINDI na po kinakailangang lumabas o pumasok sa paaralan ang mga mag-aaral. Maaari po silang manatili sa loob ng bahay. Hindi rin po kailangan ng kompyuter at internet upang maisagawa ito. Sa ganitong paraan ay hindi po kailangang huminto sa pagaaral ang inyong mga anak bagkus patuloy silang matututo at hindi masasayang ang kanilang panahon dahil madaragdagan ang kanilang kaalaman at mahahasa ang kanilang kasanayan habang sila ay ligtas na nananatili sa loob ng bahay.
Makakaasa po kayo na ang pamunuan ng SDO Malabon City ay patuloy na maglilingkod para sa edukasyon ng inyong mga anak habang amin din pong binibigyan ng ibayong pansin ang kanilang kaligtasan at kalusugan.
Hiling po namin ang inyong pag-unawa at pakikiisa sa panahong ito. Nawa po ay patuloy ninyong suportahan at gabayan ang pag-aaral ng inyong mga anak. Asahan ninyo po na kami ay katuwang ninyo sa paghahangad ng magandang kinabukasan para sa kanila.
Sa atin pong pagtutulungan ay malalampasan natin nang kapit-kamay ang pagsubok na ito.
Pagpalain po tayo ng Poong Maykapal.
SDO- Malabon City
Image by Cool Text: Free Graphics Generator – Edit Image